115

Dec 10, 2017 @ 15:54
By

Walang iligal sa pagbili ng Dengvaxia – PCMC chief

Nagsalita na ang pinuno ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC), ang ahensiya na itinuro ni Dating Department of Health (DOH) Secretary Janet Garin na bumili ng P3.5 billion na halaga ng Dengvaxia vaccine.

Ayon kay PCMC Executive Director Julius Lecciones, handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon ng Senado at gayundin sa iba pang mga tanggapan na nagsisiyasat sa kontrobersiya.

Kinumpirma ni Lecciones na direkta siyang may kinalaman sa biniling bakuna pero ito ay ginawa lamang niya kasunod ng utos mula sa kalihim ng DOH.

Paliwanag ni Lecciones, nang mga panahong bilhin nila ang Dengvaxia, wala naman siyang nakitang ligal na balakid sa procurement.

“Ang PCMC ang inatasan ng DOH, ng Secretary of Health, na kung maaaring siya ang mag-procure para sa pangangailangan nila sa Dengvaxia. Wala naman akong nakitang maaaring… legal o ilegal dahil from time to time kami naman ay nagpu-procure para sa DOH,” saad ni Lecciones.

Aniya, ang pondo na ginamit sa pagbili ng bakuna ay inilipat lamang sa kanyang ahensya para ipambayad sa Zuellig na distributor ng Dengvaxia, “Inilagay sa akin, itinransfer ang P3 billion lang actually na ibinayad diyan na tinanggap ko at ibinigay sa Zuellig na siya pong suupplier, distributor.”

Kasabay nito, nagpahayag si Lecciones ng pagkadismaya sa pinakahuling impormasyon na inamin ng Sanofi Pasteur kaugnay sa peligro na maaring idulot ng Dengvaxia sa mga hindi pa tinatamaan ng dengue.

Nang bilhin daw kasi nila ang Dengvaxia na dumaan sa competitive bidding, naniwala sila na walang mali sa nasabing bakuna.

“Nandoon ang tiwala mo dahil aprubado ng FDA (Food and Drug Administration of the Philippines) at pinaimplementa ng Department of Health, safe at naaayon sa procedures,” dagdag ni Lecciones.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?