9

Dec 29, 2020 @ 14:20
By

Walang ginastos na pera ng bayan sa pagturok sa PSG – Roque

Sabi ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, wala raw ginamit na pera ng taumbayan para sa pagpapabakuna kontra COVID-19 ng mga kasapi ng Presidential Security Group (PSG).

Nananatili umano ang mga prayoridad ng gobyerno para sa unang tuturukan ng maaaprubang coronavirus vaccine: ang mahihirap, matatanda, at mga frontliner.

“Dahil hindi naman po ito ginastusan galing sa kaban ng taumbayan, wala pong paglabag dito sa prayoridad na pinaninindigan natin hanggang ngayon,” wika ni Presidential spokesperson Harry Roque sa isang briefing ngayong Martes.

“It was not paid for, so it is a donation. But that’s all that I know,” saad niya pa. “Hindi ko po alam kung pa’no ‘yan nakalusot.”

Unang nilantad ni Duterte na may mga sundalo na nabakunahan na ng Sinopharm vaccine, kahit wala pang inaapruba ang Philippine Food and Drug Administration na alinmang bakuna laban sa COVID-19.

Tapos, sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na may ilang miyembro ng PSG at isang lalaking miyembro ng Gabinete na nabakunahan na.

Depensa ng PSG, binakunahan ang close-in security detail ni Duterte para matiyak na ligtas mula sa virus ang Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?