54

Dec 22, 2017 @ 16:15
By

Walang foreign travel ban sa mga senador – Koko

Pinuri ni Senate President Koko Pimentel ang pagpapatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ng ban sa foreign travel ng lahat ng mga opisyal at kawani sa executive deparment liban sa mga diplomat.

Pero walang balak si Pimentel na magpatupad ng ganitong foreign travel ban sa Senado.

Hinihikayat pa nga raw niya ang mga kapwa senador na bumiyahe dahil nais niya na maging “internationally engaged” o nakikipag-ugnayan ang Senado sa ibang bansa.

Tulad ni Pangulong Duterte, sinabi ni Pimentel na hindi rin sya nasisiyahan sa mga byahe sa ibang bansa pero kailangang gawin dahil kasama ito sa kaniyang tungkulin.

Ang mga kapwa senador din ang kaniyang pinapupunta sa mga hindi nadadaluhang pagtitipon sa abroad.

Una rito, sinabi ni Pangulong Duterte na bawal na ang lahat ng mga nasa ehekutibo na gumastos sa mga hindi kailangang byahe sa labas ng bansa.

May mga biyahero pa umanong sisibakin ang pangulo.

Dahil sa maraming biyahe sa abroad, sinibak si dating Urban Poor Commission Chair Terry Ridon gayundin si Elba Cruz na president ng Development Academy of the Philippines. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?