222

Dec 21, 2017 @ 16:55
By

Walang ‘DDS’ sa QC – Eleazar

Mariing pinabulaanan ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Chief Supt. Guillermo Eleazar na may mga tauhan siya na miyembro ng ‘Davao Death Squad’ (DDS), matapos na ilathala ng Reuters na umano’y ang Batasan Police Station 6 ang tinaguriang ‘Deadliest Police Station’.

Ayon kay Eleazar, handa umano ang kanyang pamunuan sa imbestigasyon sa mga sinasabing naganap na police operation sa Batasan Station 6 na nauuwi sa ‘shootout’ at pagkasawi ng mga target na suspek sa pagtutulak ng bawal na gamot.

Sa report ng Reuters, binubuo umano ng mga pulis ang grupo ng ‘Davao Boys’ na maraming napapatay na drug pusher sa lugar na sakop ng nasabing istasyon ng pulisya.

Ani Eleazar, maituturing na “challenging” na lugar ang mga barangay na nasasakupan ng Station 6 o Batasan Police Station.

“The PNP is always ready for any investigation,” pahayag ni Gen. Eleazar.

Sinabi pa ni Eleazar, bagama’t anim na barangay lang aniya ang sakop ng Station 6 na kinabibilangan ng Barangay Batasan Hills, Payatas, Bagong Silangan, Commonwealth, Holy Spirit at Old Balara ay maituturing ang mga ito na malalaking barangay.

Sa anim na barangay din aniya matatagpuan ang maraming depressed areas sa lungsod na pinamumugaran ng mga gumagamit at nagtutulak ng ipinagbabawal na droga.

Aniya, bagaman totoong maraming isinagawang operasyon ang mga pulis ng Station 6 na nauwi sa engkuwentro at ikinasawi ng mga suspek, base sa kanilang datos ay marami din namang napasuko at nahuling suspek.

Inihayag pa ni Eleazar, lehitimo ang lahat ng operasyon ng kanyang mga tauhan at handa naman ang Station 6 na harapin ang mga alegasyon at sumagot sa anumang imbestigasyon para patunayan na totoo at naaayon sa batas ang pagsalakay ng kanyang mga tauhan.

Una rito ay inilabas ng Reuters na ang mga miyembro umano ng ‘Davao Boys’ ang nasa likod ng pagkasawi ng 62 katao sa anti-drug war sa lungsod. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?