199

Aug 16, 2019 @ 18:58
By

Walang black sand mining sa Cagayan River – private contractor

MANILA – Itinanggi ng isang private contractor na nakatokang magsagawa ng dredging at declogging operations sa Cagayan River na ginagamit nila ang proyekto upang magsagawa ng black sand mining operations sa nasabing lugar.

Ginawa ng Pacific Offshore Exploration Inc. (POEI) ang pahayag matapos akusahan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) consultant Francis Nunez ng umano’y paggamit sa dredging project sa bahagi Cagayan River sa bayan ng Aparri bilang front upang pagtakpan ang umano’y underground black sand mining nito.

Ayon kay Atty. Dominador Say, na abogado ng POEI, malisyoso umano at walang basahen ang mga akusasyon na ipinaratang ni Nunez sa kumpanya.

“Malinaw na walang kabata-batayan ang mga pahayag ni G. Nunez dahil ang opinion nito na ibinatay sa hawak nitong mga larawan at hindi sa aktuwal nitong pagsiyasat,” saad ni Say.

Inakusahan ni Nunez ang POEI na tiba-tiba sa kanilang dredging operations dahil sa umano’y $50 milyon na kita sa kada shipment ng magnetite ore na nabubungkal nito mula sa 15-kilometrong dredging program.

Ayon kay Say, mismong ang Mines and Geosciences Bureau ang nagpatunay na walang commercial value ang mga magnetite ore na nakukuha mula sa ilog at hindi puwedeng mapakinabangan ng mga negosyong may kinalaman sa black sand mining.

“Malinaw na pagpapalalim at paglilinis lamang ang sadya ng proyekto,” giit ni Atty. Say.

Ang dredging at declogging operations sa Cagayan River ay bahagi ng paghahanda sa planong muling buksan ang Port of Aparri.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?