53

Nov 6, 2019 @ 17:46
By

Walang basehan para sampahan ng kaso si Albayalde – Napolcom

Hindi masasampahan ng kahit anong kasong administratibo si resigned Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde kaugnay ng maanomalyang 2013 drug raid sa Pampanga, ayon sa National Police Commission (Napolcom).

Ito ang sinabi ni Rogelio Casurao, vice chairman at executive officer ng Napolcom.

“It’s hard to establish that he knew of the operation from the very start,” saad ni Casurao.

“We presented the facts that we were able to discover and submitted it to the Secretary of the DILG (Department of the Interior and Local Government) and then from there they were able to come up with that finding that there is no basis to charge Albayalde administratively,” dagdag pa nito.

Matatandaang inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagsasampa ng drug at graft charges laban kay Albayalde at mga tauhan nito dahil sa maanomalyang P648 milyong halaga ng shabu sa isinagawang drug raid sa Mexico, Pampanga noong 2013.

Si Albayalde ang Provincial Director ng Pampanga nang maganap ang nasabing raid laban sa isang Chinese drug lord.

Samantala sinampahan na ng kasong administratibo ang 13 “ninja cops” na sangkot sa nasabing drug raid.

Sa rekomendasyon na rin ng Napolcom ay sinampahan na ng DILG ang mga sangkot na pulis na sina Maj. Rodney Baloyo IV, Capt. Joven de Guzman Jr., M/Sergeants Jules Maniago, Donald Roque, Ronald Santos, Rommel Vital, Alcindor Tinio, Eligio Valeroso, S/Sergeants Dindo Dizon, Gilbert de Vera, Romeo Guerrero Jr., Dante Dizon at Cpl. Anthony Lacsamana.

Mga kasong serious irregularity in the performance of duty, dishonesty at grave misconduct ang isinampa laban sa mga nasbaing “ninja cop”, base sa report na isinagawa ng DILG-Napolcom na isinumite kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre 25 ng taong kasalukuyan.

Sa kabila ng sibak na sa serbisyo ang ilan sa mga pulis ay itinuloy pa rin ng DILG-Napolcom ang kaso laban sa mga ito dahil ang dismissal ay maaari pang iapela sa korte.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?