15

Mar 22, 2021 @ 14:31
By

Walang bakuna ban sa lahat ng kompanya – Palasyo

Nilinaw ni presidential spokesperson Harry Roque na bawat kompanya ay pinapayagan na bumili ng kanilang bakuna sa ilalim ng tripartite agreement sa gobyerno.

Ito’y matapos na mabalita ang draft ng plano ng Department of Health at National Task Force Against COVID-19 na pagbawalan ang ilang kompanya na bumili ng bakuna para sa kanilang mga empleyado.

“Isa pa pong paglilinaw, puwede na pong bumili ng bakuna ang lahat ng pribadong kumpanya, kasama ang cigarette companies ayon sa amended IRR [implementing rules and regulations] ng Republic Act No. 11525 or the COVID-19 Vaccination law,” saad ni Roque.

Aniya, dapat dumaan pa rin sa tripartite agreement ang pagbili ng bakuna dahil hindi pa available sa merkado ang mga dose.

“Lahat ng mga bakuna sa ngayon ay sakop lamang ng emergency use authorization kaya kinakailangan pa rin na pumasok ang gobyerno sa pagbili ng mga bakunang ito sa pamamagitan ng tripartite agreements,” paliwanag ng kalihim.

Naglabas na ng pahayag ang DOH sa naturang administrative order na nabunyag kung saan mababasang pinagbawalan ang ilang kompanya tulad ng mga manufacturer ng tabacco, asukal, softdrink, infant milk formula at alak na kumuha ng sarili nilang bakuna.

Saad ng DOH, hindi pa pinal ang nasa loob ng naturang AO at dumadaan pa sa pag-aaral.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?