55

Sep 12, 2021 @ 16:47
By

Wala pang dahilan para imbitahan si Duterte sa pagdinig sa Senado – Drilon

Wala pang nakikitang dahilan para imbitahan si Pangulong Rodrigo Duterte sa isinasagawang pagdinig ng Senado sa pagbili ng gobyerno sa diumano’y overpriced na COVID-19 medical supply.

Ito ang sinabi ni Senate minority leader Franklin Drilon nang tunungin kung kailangan pang imbitahan ang Pangulo matapos niyang depensahan ang Pharmally Pharmaceutical Corporation sa sangkot sa pagbili ng naturang mga suplay.

“Sa ngayon, wala naman akong nakikitang dahilan na magbigay ng invitation sa Pangulo. Wala pa akong nakikitang sapat na dahilan,” sabi ni Drilon.

Nauna nang dinipensahan ni Duterte si dating presidential economic adviser Michael Yang hinggil sa diumano’y koneksiyon nito sa Pharmally.

Patuloy pa ring kinukuwestiyon ni Drilong kung papaano nakakluha ang Pharmally ng multi-million contract sa gobyerno sa kabila ng napakaliit ng paid-capital nito na umabot lang P625,000.

Sa ilalim umano ng batas, ani Drilon, ang isang kumpanya ay dapat may financial capacity para sa transaksiyon sa gobyerno.

“Kasi kung ganyan ang sistema, yung nagtitinda ng sigarilyo diyan sa kanto ay pwede na ring maging supplier at makipag-transact ng milyun-milyon at bahala na kung ma-deliver o hindi,” sabi ni Drilon.

Samantala, magpapatuloy sa Lunes, Setyembre 23 ang ikaanim na pagdinig ng Senate blue ribbon committee.

Noong Biyernes, pinaaresto ng Senado sina Yang at Pharmally Pharmaceuticals Executive Linconn Ong dahil pag-iwas sa pagsagot sa mga tanong tungkol sa pagbili ng gobyerno sa diumano’y overpriced na personal protective equipment, face mask at face shield sa kasagsagan ng pandemya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?