11

Mar 4, 2021 @ 17:47
By

Wala pang bakuna para sa pamilya ng mga health worker – Roque

Wala pang alokasyon ng COVID-19 vaccine para sa mga pamilya ng mga health worker.

Ito ang nilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque bilang sagot sa pahayag ni Congresswoman Helen Tan na kaya siya nabakunahan ay dahil nagtatrabaho ang kanyang anak sa Veterans hospital at may alokasyong bakuna para sa pamilya ng mga health care worker.

Sinabi ni Roque na sa ngayon ay wala pang alokasyon para sa pamilya ng mga medical frontliner maliban sa pamilya ng mga sundalo at pulis.

“Hindi ko po alam kung ano iyong sinabi ni Congresswoman Tan. Ang alam ko hindi pa allowed na magkaroon ng allocation for family members,” ani Roque.

Pero sinabi ng kalihim na si Congresswoman Tan ay isang medical doctor at lahat naman ng frontliners, private o public doctors man, ay kasama sa prayoridad ng mga mababakunahan.

“Congresswoman Tan is a medical doctor herself. So, lahat naman po ng frontliners are included in the order of priority whether she is public or private doctors,” dagdag ni Roque.

Umani ng puna at batikos sa social media si Tan matapos lumabas ang larawan na nagpabakuna na ito ng Sinovac vaccine dahil hindi pa kasali ang mga mambabatas sa listahan ng mga prayoridad na dapat makatanggap ng bakuna.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?