By

Wala nang ‘holiday ceasefire’ sa NPA – Duterte

Sharing is caring!

Wala nang aasahang ‘holiday ceasefire’ sa Disyembre sa New People’s Army (NPA).

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos tuluyang isara ang pinto sa peace talks sa kilusang komunista.

Sinabi ng Pangulo na nawalan na siya ng tiwala sa mga komunista dahil sa kawalang sinseridad ng mga ito sa pakikipag-usap sa gobyerno.

“Wala na. It’s an off and on thing which is really something of… it has become an endurance contest. Ayaw ko na makipag-usap especially the last, ‘yung inambush nilang pulis pati ‘yung bata, four month old habang karga sa kamay ng nanay tinamaan,” ang pahayag ng Pangulo.

Sinabi pa ng Presidente na huwag nang makipag-usap dahil pati mga sibilyan ay idinadamay sa opensiba ng mga NPA.

Hinamon ni Pangulong Duterte ang mga rebeldeng NPA na maggiyera na lamang at pinayuhan ang mga sundalo na maging alerto para hindi maunahan sa “sparrow-style” na pag-atake ng mga ito.

Ang ‘holiday ceasefire’ ay taunang napagkakasunduan sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA para magkaroon ng pagkakataon na makababa sa bundok ang mga rebelde at makapagsaya sa piling ng kanilang pamilya sa panahon ng Pasko at Bagong Taon. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?