47

Sep 6, 2021 @ 16:51
By

Wala munang imports! Gilas pwede mag-guest sa PBA

Dala ng patuloy na pananalasa ng COVID pandemic, mukhang hindi muna makikita ng mga fans ang mga import sa second conference ng PBA.

Ayon kay Commissioner Willie Marcial, mahirap para sa mga team ang magpapasok ng import lalo’t strikto pa rin ang health protocols.

“Mahihirapan tayo,” ani Marcial. “Unang-una, papayag ba ang gobyerno na makapasok sila? At pagpasok, kailangan mag-quarantine. Kung may magpapalit ng import, dapat quarantine muli. Pag-aaralan pa natin ‘yan pero malamang baka wala muna tayong imports sa second conference.”

Ngunit di naman nangangamba si Marcial na magkukulang sa kulay ang second conference dahil maaari naman daw na lumaro sa torneo ang Gilas Pilipinas.

“Always welcome ang Gilas,” ayon sa commissioner. “Total support ang PBA sa SBP. Pero depende ‘yan sa schedule ng Gilas sa World Cup qualifiers. Actually, qualified na tayo as co-host pero for sure, coach Tab (Baldwin) will want to use the games sa qualifiers to get our team better prepared. Iba ‘yung experience sa game kaysa sa experience sa practice. Sa PBA, pwede rin ma-experience ng Gilas ang game competition.”

Sasabak sa Nobyembre sa unang window ng FIBA world cup qualifiers ang Gilas.

Samantala, ang second conference ay inaasahang magbubukas isang linggo pagkatapos ng Philippine Cup, na tinatayang matatapos sa ikatlong linggo ng Oktobre.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?