58

Aug 14, 2019 @ 18:28
By

Wala kaming transaksyon sa gobyerno – Duque

Nanindigan si Health Secretary Francisco Duque na hindi niya inabuso ang kanyang kapangyarihan para makakuha na kontrata sa gobyerno ang kompanyang pag-aari ng kanilang pamilya.

“Sa aking mahabang serbisyo sa gobyerno, hindi ko kailanman binahiran, at di ko kailanman babahiran ang magandang pangalang ipinamana sa akin ng aking ama, former health secretary Francisco Duque Jr.,” pahayag ni Duque sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee.

Nauna nang inakusahan ni Senador Panfilo “Ping” Lacson si Duque ng ‘conflict of interest’ nang makakuha ng kontrata sa Department of Health ang Doctor Pharmaceuticals Inc. (DPI) na pag-aari ng pamilya ng kalihim.

Sa isyu naman ng pagrenta ng PhilHealth sa isang gusali sa Pangasinan na pag-aari ng Lyceum-Northwestern University sa ilalim ng Educational and Medical Development Corporation (EMDC) at pag-aari ng kanilang pamilya, ay hindi umano ‘disadvantageous’ iyon sa ahensiya.

Noong panahon umano ng lease period, si Duque ay nagsilbing chairman ng Civil Service Commission (CSC) sa ilalim ng Aquino administration. Bilang chair ngCSC chair, siya ay naging ex-officio member ng PhilHealth board.

Ayon kay Duque, lumapit diumano ang PhilHealth sa kanilang para makapagrenta sa nasabing gusali.

Inabisuhan din umano niya noon si dating PhilHealth President Alexander Padilla tungkol sa pagrenta at nakita naman ng huli na walang mali sa transaksiyon.

“Walang conflict of interest dahil ang negosyo ng korporasyon ng pamilya – ekwelahan, unibersidad – walang direktamenteng regulatory authority ang PhilHealth or DOH,” ani Duque.

Wala din umanong conflict of interest sa transaksiyon ng DPI sa gobyerno.

Paliwanag ni Duque, walang transaksiyon ang DPI sa DOH kundi sa local government unit lamang.

Giniit din ng kapatid ng kalihim na si DPI chairman Cesar Duque na wala silang kontrata sa DOH noong panahon na si Duque ang kalihim ng nasabing ahensiya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?