59

Oct 30, 2017 @ 13:29

Wala akong alam sa Atio hazing slay – UST Law Dean

Ipinababasura ni University of Sto. Tomas Faculty of Civil Law Dean Nilo Divina ang reklamong inihain laban sa kanya kaugnay ng pagpatay kay Horacio “Atio” Castillo III na hinihinalang biktima ng hazing.

Si Divina ay ipinagharap ng mag-asawang Castillo ng reklamong paglabag sa Anti-Hazing Law o Republic Act 8049, murder at obstruction of justice.

Personal na nagsumite si Divina ng kanyang kontra salaysay sa Department of Justice (DOJ) kung saan kanyang iginiit na ang paratang ng mga complainant na siya ay may nalalaman sa nangyaring hazing rites ay hindi suportado ng ebidensiya.

“At the risk of being repetitious, complainants’ allegation that I, whether, as Dean or trustee, have actual knowledge of fraternity’s alleged hazing rites is not supported by proof. The basic rule is that mere allegation is not evidence and is not equivalent to proof,” ang nakasaad sa kanyang counter affidavit.

Binigyang-diin pa sa kontra-salaysay na ang paulit-ulit niyang pahayag laban sa mga sangkot o may nalalaman sa pagkamatay ni Atio, pati na ang pagsuko noon ni John Paul Solano ay patunay na walang batayan ang paratang na cover-up laban sa kanya.

“Indeed, while the full force of the law should be used to bring to justice those responsible for the death of Atio, we should also not allow his memory to be tainted with the persecution of innocent people in his name,” dagdag ni Divina sa kanyang counter-affidavit.

Bukod kay Divina, nagsumite rin ng kontra salaysay sa DOJ sina UST Faculty of Civil Law secretary Arthur Capili at dating Isabela Representative Edwin Uy na pawang mga miyembro rin ng Aegis Juris fraternity. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?