103

Nov 8, 2017 @ 18:20
By

Waitress, kalaboso sa pinatakas na BF

Inaresto ang isang waitress ng mga pulis matapos na kunsintihin at patakasin pa ang kanyang kasintahang wanted dahil sa kasong may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot sa Quezon City kamakalawa ng hapon.

Kasong obstruction of justice at resistance and disobedience to person in authority ang kinakaharap ngayon ng suspek na si Jenica Shane Castillo, 27-anyos, dalaga, isang waitress at residente ng Block 10, Lot 10, Phase VII, Sacred Heart Village, Barangay Novaliches ng nasabing lungsod.

Ganap na alas-singko ng hapon nang magkasa ng operasyon ang mga tauhan ng Northern Police District-Special Operations Unit sa bahay ni Castillo upang ihain sa kasintahan nitong si Rodelio Licaros, alyas Nunoy, na napag-alamang nasa bahay niya ng mga oras na iyon, ang warrant of arrest sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Ngunit pagdating ng pulisya sa nasabing bahay, sa halip na maayos na papasukin ang mga pulis nang ipakita ng mga ito ang warrant of arrest ay ini-lock ni Castillo ang kanilang bahay at pinatakas sa likurang bahagi ang kanyang nobyo.

Dito na puwersahang binuksan ng pulisya ang pintuan ng bahay.

Nang makapasok na ang mga ito ay natakasan naman sila ng kanilang pakay na si Licaros. Dahil sa ginawang pakikialam ni Castillo ay siya ngayon ang inaresto ng mga awtoridad.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang paghahanap sa kasintahang pinatakas nito. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?