134

Mar 16, 2018 @ 17:56
By

Waiter humarang sa holdaper sa bar, pinatay

Ibinuwis ng isang binata ang kanyang buhay matapos na pagsasaksakin nang harangin nito at sitahin ang holdaper na humoholdap sa kanyang kaibigan sa harap ng isang KTV bar sa Quezon City, nitong Biyernes ng madaling-araw.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Edmar Arellano Ng-Pee, 21-anyos, binata, waiter ng isang Tapsi Fast Food, at residente ng No. 42 Kasayahan St., Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Si Ng-Pee ay namatay habang ginagamot sa Quezon City General Hospital sanhi ng tinamong maraming malalalim na saksak sa katawan.

Agad namang tumakas ang suspek na nakilalang si Stephen Lapay Bily Jones, 21-anyos, binata, walang trabaho at naninirahan sa No. 007 Rosal Ext., Brgy. Payatas-A ng nasabing lungsod, at isa pang hindi nakilalang kasamahan nito.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Jogene Hernandez, ng CIDU, ang krimen ay naganap dakong alas-tres ng madaling-araw (Marso 16, 2018) sa harap ng Dian KTV Bar na matatagpuan sa kahabaan ng IBP Road kanto ng Ilang-Ilang St., Brgy. Payatas-A ng nasabing lungsod.

Dakong alas-dos ng madaling-araw ay dumating sa nasabing KTV bar ang biktima kasama sina Jay Cabiles at Mark Joseph Barbano at dalawa pang kaibigan para uminom at magpalipas ng oras.

Makalipas lamang ang isang oras ay nagkayayaan na ang biktima at ang kaibigan nito na umuwi na subalit nang papalabas na sila ay agad na sumunod ang suspek na si Jones na umiinom din sa loob ng nasabing bar at dinakma si Cabiles saka tinutukan ng patalim at nagpahayag ng holdap.

Nang makita ito ng biktima ay agad nitong sinaklolohan si Cabiles at sinunggaban ang suspek subalit agad siyang pinagsasaksak ng huli. Nang duguang bumagsak si Ng-Pee ay mabilis na tumakas si Jones at ang kasama nito.

Agad namang isinugod ni Barbano ang biktima sa nasabing ospital subalit binawian din ito ng buhay.

Masusing iniimbestigahan ng pulisya ang naganap na krimen habang tinutugis pa ang nakatakas na suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?