22

Jun 30, 2020 @ 9:58

`Wag sabihing banggaan lang nangyari sa Mindoro – Hontiveros

Iginiit ni Senador Risa Hontiveros na hindi dapat palampasin ng gobyerno ang nangyari sa karagatan ng Occidental Mindoro kung saan nagsalpukan ang bangka ng mga mangingisdang Pilipino at Hong Kong-flagged cargo ship.

“Are we going to let another Chinese vessel get away with committing a `hit and run’ against Filipinos inside our territorial waters?” ani
Hontiveros.

Sinabi ito ng senador matapos aniyang ipahayag ng Malacañang na “banggaan lang” ang nangyari sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Ayon kay Hontiveros, 14 na mangingisdang Pinoy ang kasalukuyang nawawala pa at dapat bigyang prayoridad ang paghahanap sa kanila saka magsagawa ng masusing imbestigasyon at hindi para protektahan pa lalo ang interes ng China.

“Pumanig naman tayo sa sarili nating mga mangingisda,” ani Hontiveros.
Pinaalala ni Hontiveros na hindi ito ang unang pagkakataon na inilagay ng mga barko ng China sa panganib ang buhay ng mga Pilipino.

Ang tinutukoy ng senador ay ang insidente noong nakaraang taon kung saan lumubog ang F/B Gem-Ver 1 matapos salpukin ng isang Chinese vessel.

Kasabay nito, hiniling din ni Hontiveros sa Philippine Coast Guard na gawin lahat ng kanilang makakaya para matagpuan ang 14 na mangingisdang Pinoy at magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?