magdalo-gary-alejano
By

‘Wag padalos-dalos sa sitwasyon sa Kuwait

Sharing is caring!

Isa sa mga hangad nating mga Filipino ay wala na tayong mga kababayan na kakailanganin pang mangibang bansa para lang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga mahal sa buhay. Ngunit sa sitwasyon ngayon na lumalala pa ang unemployment rate sa ating bansa, marami sa mga kababayan natin ang napipilitang maghanap ng trabaho sa ibang bansa.

Kung tatanungin ang mga umaalis para magtrabaho sa ibang bansa , mapa-skilled worker man o kasambahay, ayaw nilang umalis ng Pilipinas pero wala silang magawa dahil walang mapasukang trabaho sa ating bayan. Imbes na mamatay sila sa gutom sa Pilipinas ay tinitiis nila na mawalay sa kanilang mga mahal sa buhay para makamit ang kanilang pangarap. Kung may pagpipilian naman ay hindi nila gugustuhing magtrabaho at magpaalila sa ibang bansa subalit itinutulak sila ng kahirapan.

Kaya ang padalos-dalos na desisyon ni Pangulong Duterte na pauwiin ang may 260,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa Kuwait ay tila hindi naman kakagatin ng ating mga kababayan doon. Sakaling pilitin ang mga OFWs na ito na umuwi, gagastos ang gobyerno ng P5 billion para sila ay maiuwi. Bukod pa dito ang ayuda na maaaring ibigay sa kanila. Ang sunod na tanong ay, “Anong trabaho ang ibibigay ng gobyerno sa kanila pag-uwi nila dito?”

Sa iba pang kaso ng mga OFWs na pinapauwi, muli lang din silang nag-aapply para magtrabaho sa ibang bansa. Wala naman din kasing naibibigay na trabaho sa kanila na nagpapasweldo ng parehas sa natatanggap nila sa ibang bansa.

Tandaan natin na base sa rekord ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong July 2017, naitala ang unemployment rate sa 5.6% o katumbas ng 5.8 Million. Nitong huling survey naman ng Social Weather Station (SWS) noong Marso, umabot na sa 10.9 million ang walang trabaho. Pataas ng pataas ang mga numero.

Ang gobyerno natin ay hindi naman makapagbigay ng sapat na bilang ng trabaho at maayos na sistema at mga pamantayan sa paggawa. Hindi ko maintindihan kung saan humuhugot ng lakas ng loob si Pangulong Duterte na pauwiin ang ang mga OFWs sa Kuwait habang ganito naman ang kalagayan sa sarili nating bansa.

Imbes na makipagmatigasan si Pangulong Duterte sa Kuwaiti government, dapat ay mag-usap nang masinsinan at tingnan ang win-win solution sa problemang ito. Gayundin, dapat iparating natin sa Kuwaiti government ang pangmamaltrato na natatanggap ng ating mga OFWs sa kanilang bansa.

Naniniwala ako sa kakayanan ng mga propesyonal nating diplomats na may matagal nang karanasan sa mga ganitong sitwasyon. Mabuting ipaubaya na natin sa kanila ang problemang ito at iwasan ang mga aksyong mapagpapalala lamang sa sitwasyon.

Ilang libong OFWs at kanilang mga pamilya ang maapektuhan sa isyung ito. Sila dapat ang unang kinokonsidera sa problemang ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?