48

Nov 21, 2021 @ 19:54
By

‘Wag bawasan! Pondo ng NTF-ELCAC dapat dagdagan – Go

Pinanindigan ni presidential aspirant at Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang posisyon na suportahan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), partikular ang pondo para sa 2022.

Sabi nito, kailangang epektibong maipagpatuloy ang mandato ng anti-insurgency task force at makatulong na maibalik ang kapayapaan sa mga lugar na ginagambala ng mga rebeldeng komunista.

“Napakalaki ng papel ng NTF-ELCAC sa hangarin nating magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan, lalo na sa mga kapos sa buhay at nasa malalayong komunidad sa bansa,” sabi ni Go.

“Kung kaya’t kamakailan ay tumutol ako sa pagtapyas ng budget nito. Hindi natin hahayaang masasayang ang mga nasimulang programang pangkapayapaan ng Administrasyong Duterte,” pagpapatuloy pa nito.

Binigyang-diin ng senador na kailangang magkaroon ng epektibong approach ang pamahalaan sa pagtugon sa pangunahing dahilan ng insurhensiya at matao ang inklusibong ‘peace and development’ sa apektadong lugar sa bansa.

“Imbes na bawasan, dagdagan pa dapat natin ang pondo ng NTF-ELCAC para mas maengganyo natin ang mas maraming Pilipinong magbalik-loob sa lipunan at mamuhay ng normal kasama ang kanilang pamilya,” saad pa ni Go.

“Bigyan natin ng prayoridad ang suporta ng gobyerno para sa libreng edukasyon, pangkalusugan, pabahay, trabaho at pangkabuhayan na nakatutok sa mga lugar at mamamayan na nangangailangan dito. Kailangan natin ng mas maayos na mga pasilidad at serbisyong tunay na may malasakit sa kapwa,” apela pa ng senador.

Pinaalalahanan pa ng senador ang mga kapwa mambabatas na pinabayaan ng mga nagdaang administrasyon ang isyu ng insurhensiya na nagresulta sa kahirapan at political exclusion.

“Kahit noong Mayor pa lang ng Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte, kasa-kasama na niya ako sa pagsundo sa kabundukan ng prisoners of war ng New People’s Army. Doon ko personal na nasaksihan na kahirapan at kapabayaan ng gobyerno ang madalas na dahilan kung bakit nagrerebelde ang ilan nating mga kababayan,” pagbabahagi ni Go.

“Kung may namamatay, ang pinakakawawa dito ay ang mga inosenteng bata na nawalan ng mga magulang at kapatid dahil sa magkaibang paniniwala. Masakit makitang nagpapatayan ang Pilipino sa kapwa Pilipino,” pagtatapos nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?