192

Feb 16, 2020 @ 14:11
By

Wade sinisi! Gordon ‘binastos’ na naman sa NBA Dunk Contest

Sa ikalawang pagkakataon, muling nabigo si Orlando Magic forward Aaron Gordon sa NBA Slam Dunk Contest.

Dalawang beses na tingin ng marami ay siya dapat ang nagwagi.

Sa 2020 NBA All-Star event na ginawa sa Chicago, muling bumalik si Gordon para makuha ang trono sa dakdakan, na noong 2016 ay minalas kontra kay Zach Lavine.

Sa simula ay tila sigurado nang kay Gordon mapupunta ang tropeo, sa unang apat na dunk ay 50 ang binigay ng mga hurado na kinabibilangan ng WNBA legend na si Candace Parker, dating teammate ni Michael Jordan na si Scottie Pippen, actor Chadwick Boseman at rapper Common.

Ang nakatapat ni Gordon sa dunk-off ay ang Miami Heat forward na si Derrick Jones Jr., na kilala rin sa malulupit nitong in-game dunks.

Sa huling dunk ay 48 points ang nakuha ni Jones, tinalunan si Common habang sinalo ang bola na pinatalbog sa backboard para sa between the legs dunk.

Nang si Gordon naman ang sumalang, hinila nito ang pinakamatangkad na NBA player ngayon na si Tacko Fall.

Pinapuwesto sa gitna at walang takot na tinalunan ni Gordon ang Celtics giant.

Ngunit hindi sapat ang dakdak na ito para masungkit ang tropeo, 47 lang ang nakuha dahil tatlo sa judge ay nine points lang ang binigay, isa na rito si Wade.

Kaya naman naging sentro ng inis ng social media si Wade dahil banat nila’y binigyan niya ng 9 si Gordon para manalo si Jones, na dati niyang naging kakampi sa Heat.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?