14

Sep 25, 2020 @ 15:14
By

VP Leni: White sand project tinuloy kahit pandemya, gobyerno walang sense of urgency

Hindi legalidad kundi timing ang usapin sa tinuloy na pagpapaganda sa Manila Bay sa gitna ng coronavirus pandemic, ayon kay Vice President Leni Robredo.

Pinuna ng Bise ang P389-milyong beach nourishment project sa Manila Bay, kabilang ang pagtatambak dito ng pininong dolomite para magmukhang mala-white sand beach.

“Kahit wala itong hazard, walang corruption, walang environmental damage, dahil sa timing, hindi pa rin okay,” ani Robredo sa Basta Batas forum ngayong Biyernes, Setyembre 25.

“Maraming nagugutom, maraming nangangailangan ng tulong. Makikita nating insensitive sa kahirapan.”

“For us to spend this much amount to a project which has nothing to do with a COVID-19 pandemic, ano ba? Pinapakita na walang sense of urgency amid the COVID-19 pandemic,” wika niya pa.

Pansamantalang binuksan sa publiko ang Manila Bay white sand attraction na dinagsa at binatikos dahil sa paglabag sa social distancing at hindi pagsusuot ng face mask habang may banta pa ng coronavirus.

Makalipas ang ilang araw at dahil sa ulan, inanod na ang ilang bahagi ng tinambak na dolomite sand sa Manila Bay kaya naglagay ang Department of Environment and Natural Resources ng mga sandbag doon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?