78

Mar 1, 2021 @ 21:52
By

VP Leni swak sa Sinovac vaccine – Roque

Dahil hindi pa senior citizen, kuwalipikado si Vice President Leni Robredo na magpaturok ng Sinovac vaccine na unang dumating sa bansa.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa kanyang press briefing na ginanap sa Philippine General Hospital.

Sinabi ni Roque na hindi tulad ni Pangulong Rodrigo Duterte na senior citizen na hindi pasok sa ibinigay na pamantayan ng Food and Drug Administration (FDA).

“Sabi nga po ng ating Presidente, senior citizen na siya at hindi uubra sa Sinovac, kaya Vice President Robredo, welcome po kayong magpabakuna ng Sinovac,” ani Roque.

Matatandaang inihayag ng Bise Presidente na nakahanda siyang mauna na magpabakuna para maibalik ang tiwala ng taumbayan sa pagpapaturok ng COVID-19 vaccine.

Batay sa itinakda ng FDA, edad 18- 59 lamang ang pupuwedeng makatanggap ng Sinovac vaccine.

Sinabi ni Roque na hihintayin pa ng Palasyo kung anong brand ng bakuna ang maaaring ibigay kay Pangulong Duterte para may panlaban sa peligro ng COVID-19.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?