163

Nov 16, 2021 @ 15:50
By

VP Leni sa mga botante: ‘Hindi natin kalaban ang ating kapwa’

Nanawagan si Bise Presidente Leni Robredo sa lahat ng Pilipino na kahit iba-iba man ang susuportahan sa darating na halalan, hindi pa rin dapat magaway-away at bagkus ay magkaisa para sa bansa.

Sa isang video message, ibinahagi ni Robredo na masyado nang watak-watak ang mga Pilipino partikular sa social media, kung saan kahit masasakit na salita ay walang pakundangan na kung bitawan.

“Alam niyo, nitong mga nakaraang taon, nakita natin kung paano naghati-hati ang ating mga hanay. Lalo na sa social media, maraming masasakit na salitang binitawan. May mga magkakaibigan, pati na magkamamag-anak, na nag-away dahil sa posisyon sa politika,” wika ni Robredo.

“Ang analysis ng mga eksperto, may mga puwersa na sadya tayong pinag-aaway. Dahil kapag watak-watak ang mga Pilipino, mas madaling maisusulong ang personal na agenda ng mga puwersang ito. Anuman ang dahilan, hindi maikakaila: nagkasakitan tayo,” aniya.

Kaya ang maipapayo ng presidential aspirant, kahit iba-iba ang pananaw sa politika ay magkaroon sana ng maayos na pakikipag-usap at respeto.

“Nasaang panig ka man, gaano man kasigurado sa paninindigan mo, may nakasakit ng kapwa. Panahon na, tayo na ang magsimula, lumapit sa mga naka-alitan, kung may nakita sa social media na hindi naaayon sa mga pinaniniwalaan natin, magpaliwanag nang mahinahon at may respeto,” aniya.

“Magpakumbaba. Mangumusta, makipag-usap, hilumin ang mga sugat, buksan muli ang landas ng pagmamahal, ipaalala ang katotohanan, hindi natin kalaban ang ating kapwa,” dugtong pa nito. (mjd)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?