67

Aug 9, 2018 @ 20:03
By

VP Leni nagbayad ng P50K multa sa PET

Tumalima na rin si Vice President Leni Robredo sa P50,000 multa na ipinataw sa kanya ng Presidential Electoral Tribunal (PET) dahil sa paglabag sa gag order ukol sa kinasasangkutan niyang electoral protest.

Ngunit nangatuwiran ang kampo ni Robredo na hindi nila nilabag ang subjudice rule kaugnay sa protesta ni dating senador Bongbong Marcos Jr., laban sa kanya.

Sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Romulo Macalintal, naghain si Robredo ng manifestation with urgent motion for clarification.

Ipinunto ni Macalintal na sa resolusyon ng PET noong Hunyo 16 ay nabanggit ang mga pahayag sa media kaugnay sa kondisyon ng mga ballot box na naglalaman ng mga nirerebisang balota.

Ang mga naturang pahayag ay nagbibigay-duda na may anomalya at dayaan sa 2016 national elections.

Iginiit ni Macalintal na ang mga ipinuntong pahayag ay nagmula sa kampo ni Marcos at hindi sa kanila.

Sinabi naman ni Robredo na iginagalang nila ang utos ng korte ngunit aniya kailangan nilang sumagot kung nagpapakalat ng kasinungalingan si Marcos.

“We cannot let them be just because there is an order because he himself does not follow it,” hirit ni Robredo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?