20

Sep 22, 2020 @ 16:58
By

VP Leni hinamon ni Roque sa pagtugon sa COVID-19

Hinamon ni Presidential Spokesperson Harry Roque si Vice President Leni Robredo na maglabas ng solusyon sa COVID-19 maliban sa bakuna at gamot kung inaakalang mayroon itong ibang alam na solusyon sa nasabing health crisis.

Ang hamon ni Roque ay kasunod ng kritisismo ng Pangalawang Pangulo sa ginagawa ng gobyerno na paglaban at pagtugon sa problema sa COVID-19.

Sinabi ni Roque na kung makapaglabas si VP Leni ng solusyon ay posibleng maging Presidente ito ng bansa.

“Hinahamon ko po si VP Leni , kung mayroon siyang solusyon na walang vaccine at wala pa ring gamot, sabihin po niya dahil sigurado po ako baka ngayon din maging Presidente siya kung makahanap siya ng solusyon habang walang bakuna at walang gamot,” ani Roque.

Binigyang-diin ng kalihim na habang walang gamot at walang bakuna ay hindi matutuldukan ang problema sa COVID pandemic.

Naunang inihayag ni VP Leni na hindi umano sapat ang ginagawang pagtugon ng gobyerno sa problema sa COVID-19 at tila kuntento na sila sa mga ipinatutupad na hakbang laban sa COVID-19.

Binanatan din ng Pangulo ang pangalawang Pangulo dahil puro puna at ingay lang aniya ito oeri wala namang nagagawa para makatulong sa problema sa pandemya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?