3,625

By

VP Leni gustong paimbestigahan ang dahilan ng landslide sa Natonin

Sa programa sa radyo na BISErbisyong LENI, inihayag ni Vice President Leni Robredo na dapat nang tingnan ang dahilan ng nangyaring pagguho ng lupa sa Natonin, Mt. Province.

“Siguro panahon din para i-review ulit natin iyong mga threats sa kalikasan, gaya ngayon na grabe iyong bagyo. Tingnan natin kung ano ba iyong dahilan ng landslide, ano iyong dahilan ng pagguho,” sabi ng bise presidente.

Nabanggit din ni Robredo na hindi lamang sa Natonin nangyari ang ganitong insidente.

“Kung naaalala natin, noong nakaraang buwan, sa Ifugao. Galing nga tayo doon. Sa Naga, Cebu, nangyari din. Ngayon sa Natonin na naman. At may mga patay na naman,” ayon kay Robredo.

Paliwanag pa ni Robredo, nang magpunta ang kanyang team sa Ifugao ay iba-iba ang sinabing dahilan ng pagguho ng lupa.

“Iyong sa Ifugao, pagbaba namin doon, mayroong, parang, debate, kung ano talaga iyong pinagmulan. Parang sinasabi ng iba na dahil sa mining, iyong mga taga-doon naman, tinuturo sa amin kung bakit hindi mining iyong dahilan. Pero kahit ano pa iyong dahilan, panahon na para balikan natin ano ba iyong mga ginawa natin na, parang, paglalapastangan sa kalikasan, kasi tayo din iyong nagbabayad sa mga buhay na nawawala,” ayon kay Robredo.

Dagdag ni Robredo at ng kanyang co-host na si Ely Saludar, dapat ding rebyuhin ang gusali ng Department of Public Works and Highways na natabunan sa nasabing lugar.

“Ang in-charge sa mga gawaing-bayan. Dapat po iyong mismong building nila ang maging ehemplo na matibay at puwedeng silungan sakaling may kalamidad,” sabi ni Saludar.

Sa huling tala, labindalawa ang namatay sa nangyaring insidente sa Natonin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?