22

Mar 5, 2021 @ 23:58

VP Leni: Duterte admin ‘di seryoso sa drug war, korapsyon

Naniniwala si Vice President Leni Robredo na hindi seryoso ang administrasyong Duterte sa paglaban sa iligal na droga at korapsyon sa gobyerno.

“Para sa akin, parang hindi sila seryoso. Parang hindi sila seryoso kasi apparent naman ‘yung pagkukulang eh,” lahad ng Bise Presidente sa ikalawang bahagi ng “The Mangahas Interviews” ng GMA na pinalabas nitong Biyernes.

“Apparent ‘yung pagkukulang pero ‘yung solution, hindi madali pero doable, pero ayaw gawin,” dagdag niya.

“Kaya siyang ayusin, mahirap pero kaya. Kung may willingness lang na ayusin ‘yung programa pero hindi ko ‘yun nakikita,” patuloy niya.

Maliban sa drug war, tingin ni Robredo ay wala ring improvement sa paglaban sa korapsyon ng gobyerno.

“Yung corruption kasi parang madali lang sabihin na against ako sa any form of corruption, pero ‘yung corruption kasi marami levels na kailangan mo ayusin. Ang number one doon is transparency, and walang any indication na gusto maging transparent,” sambit niya.

Binanggit niya ang bagong executive order na pinirmahan ni Duterte na nagpapatupad ng Freedom of Information (FOI).

“Nagkaroon ng executive order, ‘yung FOI, pero hindi naman seryoso ‘yung effort to make everything transparent,” wika niya.

Pinuna rin niya na maraming nasangkot sa korapsyon ang tatanggalin pero ililipat naman sa ibang posisyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?