42

Mar 11, 2021 @ 17:40
By

‘VP Duterte’ sigaw ng mga opisyal sa Cebu

Nagsama-sama ang mga kaalyado sa Cebu ni Pangulong Rodrigo Duterte upang hikayatin siyang tumakbo sa pagka-bise presidente sa darating na 2022 elections.

Sa isinagawang pribadong pagpupulong noong Marso 10 kasama si Energy Sec. Alfonso Cusi, vice chairman ng PDP-Laban, gumawa ng manifesto ang mga miyembro ng partido sa pag-asang pakikinggan ni Pangulong Duterte ang kanilang panawagan.

Present sa pagpupulong ang 18 alkalde, tatlong vice mayor, tatlong congressman at tatlong board member.

Binunyag ni Cusi na ilang mayor sa Metro Manila na miyembro ng PDP-Laban ay nagpasa na ng resolusyon na nagtutulak kay Duterte na mag-Bise Presidente, na siya aniyang sinundan ng mga opisyal sa Cebu.

Bagama’t hindi naman nakadalo sa pulong si Mayor Edgardo Labella, na isa ring PDP-Laban member sa Cebu, sinabi niyang suportado niya ang manifesto ng kanilang partido, gayundin si Vice Mayor Michael Rama.

Sa ilalim ng batas, ang mga presidenteng natapos ang kanilang buong taong panunungkulan ay diskuwalipikado nang tumakbo sa panibagong termino pero maaari ito sa mas mababang government position tulad ng senador, kongresista at vice president.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?