94

Sep 15, 2021 @ 18:35
By

VP bid ng ama ibinida! Mayor Sara nagpasalamat sa suporta

Nagpasalamat si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio sa lahat ng mga sumusuporta pa rin sa kanya sa kabila ng paganunsyo niya na hindi na siya tatakbo sa national position sa 2022.

Sa isang video message sa kanyang Facebook page ipinabatid ng alkalde ang kanyang mensahe.

“Nagpapasalamat po ako sa lahat ng kapwa ko Pilipino na nagpapahayag ng kanilang tiwala at pagsuporta sa akin,” ani Mayor Sara.

“Ito ay isang karangalan na hindi nabibili, at hindi ibinibigay sa lahat ng politiko,” dagdag pa niya.

Ngunit ayon sa alkalde, pinal na ang kasunduan nila ng ama na si Pangulong Rodrigo Duterte na isa lamang sa kanila ang tatakbo sa national position sa 2022.

Kaya naman, nanawagan na lamang siya na suportahan na lamang ang kandidatura ng ama sa pagkapangalawang pangulo.

“Mayroon kaming maayos na kasunduan ni Pangulong Duterte sa aming kani-kaniyang karera sa politika,” aniya.

“Ibigay po natin sa kanya ang pinakamalakas nating suporta sa kanyang desisyon na tumakbong vice president,” dugtong pa ni Mayor Sara.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?