47

Nov 26, 2017 @ 15:20
By

Voters’ registration hanggang Nob. 30 na lang – Comelec

Nagpaalala ang Commission on Elections (COMELEC) na mayroon na lamang ilang araw bago ang deadline para sa voters’ registration.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, ang pagpapatala ng mga botante ay itinakda hanggang November 30, araw ng Huwebes.

Aniya, dapat samantalahin lalo na ng mga first-time voter ang nalalabing mga araw para makapagpatala at makalahok sa mahalagang democratic-process sa bansa.

“Hanggang November 30 na lang ang pagpaparehistro. Kung gusto ko tumulong sa bayan, ito na ang pagkakataon mo,” saad ni Jimenez.

Ang continuing registration ay isinagawa ng Comelec para sa mga botanteng nais na makaboto sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na idaraos sa Mayo 2018.

Ang pagpapatala ay bukas sa buong bansa maliban lamang sa Lalawigan ng Lanao Del Sur, ang lalawigan kung saan naroon ang Lungsod ng Marawi na nasangkot sa limang buwang gyera laban sa grupong Maute-ISIS.

Paalala pa ng poll body, ang mga aplikasyon para sa pagpapatala, reactivation, pagpapalit o correction of entries at reinstatement of records sa listahan ng mga botante ay kinakailangang iproseso nang personal sa Offices of the Election Officers, mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon, Lunes hanggang Sabado kasama ang holidays. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?