174

Oct 26, 2017 @ 16:52

Viral FB post sa NAIA 2, fake news!

Gagamitin ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang kuha sa security camera sa Ninoy Aquino International Airport 2 para pabulaanan ang viral Facebook post ukol sa kinuhang smart watch ng isang pasahero.

Sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal pinanood niya ang recording ng CCTV at napatunayan na sumunod sa proseso ang mga security screeners kaugnay sa pagsasailalim ng mga bagahe ng mga pasahero sa x-ray –screen machine.

Iginiit ni Monreal na walang katotohanan ang Facebook post ng isang Jorge Hizon na sadyang itinago ng isang security screener ang smart watch ng kanyang kaanak na pasahero noong Oktubre 20.

“The airport CCTV of the incident contradicts the allegation of intentionally hiding the smartwatch,” ani Monreal.

Dagdag pa ng opisyal nang makita ang smart watch sa ilalim ng x-ray machine ay agad itong kinuha ng pasahero taliwas sa post ni Hizon na inabot ng mahigit isang oras bago nila nabawi ang mamahaling relo.

Kaugnay nito, iniimbitahan ni Monreal si Hizon na personal na panoorin ang CCTV footage para malaman kung sino ang nagsisinungaling.

Ayon pa kay Monreal, bahala na si Hizon kung ito ay magpa-public apology bagamat aniya muling nabahiran ang imahe ng NAIA ng isang maling post sa social media. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?