By

VIP treatment? 2 Russian drug suspects, ililipat ng kulungan

Sharing is caring!

Balak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na ilipat na ng detention cell ang dalawang Russian na nahulihan ng iligal na droga sa Ninoy Aquino International Airport noong 2016.

Ang sitwasyon ng dalawang drug suspect na sina Yuri Kirdyushkin at Anastacia Novopashina ay kasama sa mga napag-usapan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Russian Prime Minister Dmitry Medvedev sa kanilang bilateral talks kamakailan dito sa Pilipinas.

Sa nasabing pag-uusap, sinabi ni Pangulong Duterte na mabibigyan ng patas na paglilitis ang dalawang dayuhan at sila ay ikukulong sa maayos na pasilidad..

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre, si Kirdyushkin ay nakakulong ngayon sa Metro Manila District Jail sa Taguig, habang si Novopashina naman ay sa BJMP-Pasay.

Batay umano sa kanyang pakikipag-usap kay Department of Interior and Local Government (DILG) Officer In Charge Catalino Cuy, bago pa man ang pag-uusap nina Pangulong Duterte at Medvedev, plano na talaga ng BJMP na ilipat ang lahat ng mga dayuhang detainee sa hiwalay na gusali.

Masyado na raw kasing siksikan sa mga pasilidad kung saan nakakulong ang dalawang Ruso.

Kaugnay nito, pag-aaralan nila na ilagay ang dalawang dayuhan sa Metro Manila District Jail sa Taguig kung saan may maayos na puwesto dahil wala na raw talagang pasilidad ang BJMP-Pasay.

Kinailangan umanong ilipat ang dalawang Ruso ng kulungan dahil madalas silang binibisita ng mga kinatawan ng embahada ng Russia.

Kasabay nito, nilinaw naman ni Aguirre na ang paglilipat sa mga dayuhan ng kulungan ay hindi maituturing na special treatment dahil talaga namang siksikan na ang mga kulungan sa ilalim ng BJMP.

“Hindi natin matatawag special treatment yun; siguro ang masasabi lang natin, yung detention cells nila, detention place, yung hindi naman overcrowded kasi dyan sa ating mga city jail may kanya-kanyang toka sila kailan sila matutulog,” paliwanag ni Aguirre.

Kung meron man daw nakakatanggap ng special treatment, ito ay si Senador Leila de Lima na nakakulong sa PNP-Detention Facility dahil sa iligal na droga.

“Kung may special treatment dyan, yung katulad ni De Lima; tingnan nyo yung kanyang partner nasa Muntinlupa City Jail samantala siya nasa custodial,” dagdag ni Aguirre.

Si Kirdyushkin ay naaresto noong October 5, 2016 matapos umanong mahulihan ng sampung kilo ng cocaine, habang si Novopashina ay nadakip dahil nahulihan umano ng halos 13-kilo ng cocaine noong November 2016.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?