153

Oct 16, 2017 @ 17:05

Villarin kay Bato: Resign now!

Sampal umano sa Philippine National Police (PNP) ang Pulse Asia survey na nagpapakitang maraming Pilipino ang naniniwalang may nangyayaring extrajudicial killings sa kampanya kontra droga.

Ito’y kahit pa mayorya ang sumusuporta sa giyera laban sa iligal na droga ng administrasyon.

Ayon kay Akbayan Rep. Tom Villarin, ang resulta ng survey ay patunay na hindi kinakagat ng publiko ang mga kwentong ‘nanlaban’ ng PNP at katuwirang ginawa lang ng mga pulis ang kanilang trabaho.

“It is a complete rejection of the official narrative of ‘nanlaban’ and the police are ‘just doing their job,” ayon kay Villarin.

Sinabi ni Villarin na panahon nang panagutin ang pulisya sa mga kaso ng DUIs o death under investigations na ang totoo anya ay EJKs.

Para naman kay PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa, dapat anyang paagahin na nito ang pagreretiro at huwag nang hintayin ang Enero.

Giit ni Villarin, ibinaba ni dela Rosa ang kredibilidad ng PNP sa pinakamababang antas at inilagay ito sa kahihiyan dahil sa oplan tokhang.

“He has brought down the PNP to such shame and low esteem bringing down the gutter its credibility,” sabi ng kongresista.

Una rito, inalis ni Pang. Rodrigo Duterte sa PNP ang war on drugs at inilipat sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?