323

By

Villar sa publiko: Kung mahal ang galunggong, huwag kayong kumain!

Kung mahal din lang umano ang presyo ng galunggong, mas makabubuting huwag na lang kumain ang tao nito.

Ito ang suhestiyon ni Senadora Cynthia Villar kasunod ng ulat na pumalo sa P300 hanggang P360 kada kilo ang galunggong sa mga pamilihan.

“Eh kung mahal ang galunggong, eh di wag kumain ng galunggong, di ba,” pahayag ni Villar, chair ng Senate committee on agriculture and food.

“There are other alternatives na puwedeng gawin, bakit ba gustong-gusto n’yo ‘yong galunggong kung mahal ang galunggong,” dagdag pa nito.

Mungkahi pa ng senadora, mas mainam na kumain na lang ang tao ng gulay kung hindi rin lang kayang bumili ng napakamahal na galunggong o GG.

“Mas healthy ‘yon. In fact di ba bumaba ang ating rating, ating mga students one of the theory doon ay malnutrition,” sambit pa nito.

Kung mahal umano ang gulay, sinabi nitong dapat magtanim na lang sa kanilang bakuran ang tao pala balang araw ay maani ang mga ito.

“Magtanim ka ng gulay sa likod ng iyong bahay. Mag-backyard farming or urban gardening,” payo pa nito.

Nauna nang inihayag ni Agriculture Secretary William Dar na binigyan na nito ng ‘green signal’ ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para mag-angkat ng 45,000 metriko tonelada ng galunggong.

Tumaas ang galunggong nitong nagdaang mga araw ng hanggang P350 dahil diumano sa mababang suplay nito sa pamilihan.

Samantala, hinikayat ni Villar ang Department of Trade and Industry (DTI) na pakilusin ang kanilang price control team para i-monitor ang presyo ng mga bilihin ngayong Christmas season.

“Tingin ko, because of the season, tumataas ang demand kasi Christmas season, but dapat ‘yong DTI, ‘yong price control team nila ay mag-inspeksyon na,” sabi ni Villar.

“Kasi may tendency na, malaki ang demand, sinasamantala nila, tinataasan ‘yong price,” wika pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?