14
ABANTE villar dti dti ph
By

Villar sa DTI, DA: Pakilusin n’yo ang monitoring teams sa price hike

Pinagsabihan ni Senadora Cynthia Villar ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) na pakilusin ang kani-kanilang price monitoring team.

Kailangan na aniya ng aksiyon ng dalawang ahensiya dahil sa sumbong na patuloy ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin at serbisyo kasunod ng pagsasabatas ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN na nagpataas ng buwis sa petrolyo at iba pang produkto.

“Unfortunately, there are businessmen who would take advantage of the situation and use the enactment of the Tax Reform for Acceleration and Inclusion to justify price increases. We don’t want these unreasonable increases to undermine the intended benefits of the law and we ask concerned government agencies to protect the consumers,” ani Villar.

Sa pagdinig ng pinamumunuan na Senate committee on Agriculture, sinabi ni Villar na maraming produkto ang nagtaasan ang presyo gaya ng bigas at gulay gayong hindi naman kabilang sa pinatawan ng mas mataas na buwis sa ilalim ng TRAIN Law kaya naman kailangan ng puspusang pagbabantay.

Tumaas man aniya ang presyo ng gasolina o krudo na gamit sa pagluluwas ng mga kalakal, hindi pa rin iyon dapat na makapagpalobo ng presyo ng bigas at gulay.

“Hindi naman na-tax ang bigas. Ang na-tax is gasoline kaya transportation lang ang tatamaan. Hindi naman iyon ang major cost kaya kailangang tingnan kung tama ang pagtaas ng presyo ng bigas,” sabi pa ni Villar.

Samantala, kinalampag din ni Villar ang DTI para mahigpit na ipatupad ang Price Tag Law para masawata ang profiteering ng mga mapagsamantalang negosyante at upang maging gabay na rin ng mga mamimili. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?