188
ABANTE mark villar flood dpwh
Jan 18, 2018 @ 10:06
By

Villar kinalampag, flood projects tinutulugan ng DPWH

Maagap na nanawagan ang isang kongresista sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na bigyang priyoridad at tapusin na ang lahat ng flood control projects bago sumapit ang panahon ng tag-ulan sa buwan ng Hunyo.

Ayon kay Quezon City Rep. Winston Castelo, ngayong available na ang US$500 milyon (P25 bilyon) na Metro Manila Flood Control Management Project (MMFCMP) dapat nang kumilos ang DPWH sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Mark Villar para kagyat na maasikaso ang pagsasaayos ng mga kalsada at iba pang flood control projects.

Sinasabing inaprubahan na ng Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) at World Bank (WB) bago magtapos ang 2017 para mapondohan ang MMFCMP at masimulan na ang proyekto ngayong buwan.

“I trust Public Works Secretary Mark Villar shares the same sense of urgency in completing the project in the first half of the year which is relatively free of rainfall,” pahayag ni Castelo.

Idinagdag ng kongresista na siya ring chairman ng House committee on Metro Manila development na ang pangunahing makikinanabang sa proyekto ay ang mga residente ng Metro Manila na labis na apektado ng mga pagbaha kapag pumasok na ang tag-ulan.

Nagdudulot din aniya ng iba’t ibang sakit at matinding trapik ang pagbaha.

Kaugnay nito, hinimok din ng mambabatas ang publiko na maging disiplinado sa pagtatapon ng basura para hindi bumara sa mga kanal, estero at iba pang daluyan ng tubig ang mga kalat.

“The costly anti-flood projects will all go to waste if the public won’t help in terms of discipline in disposing of their garbage,” sabi ni Castelo. (Aries Cano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?