199

Dec 5, 2017 @ 16:53
By

Villanueva sinipa sa BOC; balik PDEA na

Balik na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Wilkins Villanueva.

Ito ay makaraang alisin ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Isidro Lapena si Villanueva bilang Officer in Charge ng Customs Investigation and Intelligence Service.

Si Villanueva ay Director ng PDEA-National Capital Region nang siya ay bitbitin ni Lapena nang matalaga siya sa BOC ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang kapalit ni Dating Commissioner Nicanor Faeldon.

Hindi naman nagbigay si Lapena ng konkretong dahilan sa pagbabalik sa PDEA ni Villanueva.

Pero paglilinaw ni Lapena, hindi naging batayan ang performance ni Villanueva sa BOC sa paglipat sa kanya sa PDEA.

Hindi rin sinagot nang direkta ni Lapena ang tanong kung paano tinanggap ni Villanueva ang pagbabalik niya sa PDEA.

Gayunman, naniniwala umano si Lapena na mas kailangan si Villanueva sa PDEA na pangunahing ahensiya ng gobyerno na lumalaban sa droga.

Ipinauubaya na rin ni Lapena kay PDEA Director General Aaron Aquino ang pagpapasya kung ibabalik niya si Aquino sa dati nitong puwesto sa PDEA-NCR. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?