14

Jan 13, 2021 @ 13:15
By

Villanueva sa IATF: Ayusin priority list ng COVID turukan

Dapat simulan na ng Inter-Agency Task Force ang pagbalangkas ng listahan ng mga benepisyaryo para sa COVID-19 vaccination program upang makasigurong hindi magdodoble sa pamamahagi ng bakuna, ayon kay Senador Joel Villanueva.

Sabi ni Vilanueva, chairman ng Senate labor committee, kailangan ng malinaw na targeting ng mga benepisyaryo dahil maaaring maging bahagi ang isang tao sa higit sa dalawang kategorya na itinakda ng IATF sa kanilang priority list.

“Dapat po sinisimulan na ang pagbabalangkas ng mga panuntunan ang IATF habang nakikipagpulong pa sila sa mga pharmaceutical firms na nais mag-supply ng bakuna,” sabi ni Villanueva sa isang pahayag.

“Hindi po pwedeng magkadoble-doble ang pamimigay ng libreng bakunda dahil limitado lang ang supply. Ganito pa lang kaaga, dapat po asahan na natin ang mga problema na maaaring mangyari sa roll out ng bakuna,” dagdag pa nito.

Ikinatuwan naman ng senador ang pagtanggap ng IATF sa kanyang mungkahi na palawigin ang priority list ng mga babakunahan upang makabilang ang mga essential workers tulad ng mga tsuper, tindero sa palengke at supermarket, manggagawa sa food manufacturing at retail tulad ng mga restaurants, basurero at street sweeper, mga delivery rider, logistics personnel, at iba pang mga establisimiyento

Sabi ni Villanueva, ang mga manggagawang ito ay ang susi sa pagpapatuloy ng pagbangon ng ekonomiya ng bansa.

Sa naunang priority list ng IATF, ang mga sumusunod ang kabilang sa mga unang mabibigyan ng bakuna laban sa COVID-19: frontline health workers (1.76 milyon), indigent senior citizens (3.78 milyon), remaining senior citizens (5.67 milyon), remaining indigent Filipinos (12.9 milyon), at mga pulis, militar, at iba pang mga kawal (tinatayang nasa 525,523). Aabot ang kabuuang bilang ng mga ito sa 24.6 milyon.

Sa pagdinig ng Senado noong Lunes, binanggit ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na pinalawig na ang priority list at tinatayang 35 milyon na ang target beneficiaries ng vaccination program.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?