2,402

Feb 23, 2020 @ 16:03
By

Villanueva sa DOLE: 700 empleyado ng Honda, tulungan

Nanawagan si Senador Joel Villanueva sa Department of Labor and Employment na tulungan ang 700 trabahador ng Honda dahil sa napipintong pagsasara ng kanilang planta sa Sta. Rosa Laguna.

Ayon kay Villanueva, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resource Development, nakakabahala aniya ang pagsasara ng Honda plant dahil bukod sa trabahong mawawala, ang mga pamilya rin ng mga ito ang maapektuhan.

“Nakakabahala po ang nakaambang pagkawala ng mga trabahong nandito na katulad ng 700 na trabahong apektado sa pagsara ng Honda car manufacturing facility sa Sta Rosa, Laguna matapos ang halos tatlong dekada na operasyon,” sabi ni Villanueva.

“Maliban sa 700 na trabahong mawawala, 700 na pamilya rin ang maapektuhan nito,” dagdag pa nito.

Sabi ni Villanueva, dapat tiyakin ng DOLE na matutulungan nila ang mga manggagawa ng Honda na makahanap ng malilipatang trabaho sa oras na huminto na nga ang operasyon nito.

“Tinatawagan po natin ang Department of Labor and Employment (DOLE) at ang Department of Trade and Industry (DTI) na siguraduhing mapanatili ang mga trabahong andito na, at kaagad na tugunan ang mga pangangailangan ng mga apektadong manggagawa at pamilya nila,” sabi nito.

Bagama’t hindi pa malaman ang ugat ng planong pagsasara ng planta, sinabi ni Villanueva na nakahanda sila sa Senado ang imbestigahan ito.

“Hindi pa po natin matukoy ang puno’t dulo ng isyu na ito dahil maaaring may iba pang malalim na dahilan dito. Nakahanda ang ating Committee on Labor para maglungsad ng pagdinig tungkol dito kung kinakailangan,” ayon pa sa senador.

Sa website na visor.ph, Marso 26 nakatakdang huminto ang produksyon sa planta.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?