40

Apr 15, 2021 @ 20:53

Villanueva: Panagutin ang mga nais babuyin ang sports

Suportado ni Senador Joel Villanueva ang imbestigasyon ng Games and Amusement Board (GAB) sa kontrobersiya sa laban ng ARQ Builders Lapu-Lapu City at Siquijor Mystics sa VisMin Super Cup noong Miyerkoles.

“Nabalitaan po natin na nagsimula na ang imbestigasyon ng Games and Amusement Board tungkol sa mga kumalat na video ng VisMin Super Cup. Susuportahan po natin ang anumang hakbang para lumabas ang katotohanan at mapanagot ang mga nais babuyin ang ating palakasan (sports),” sabi ni Villanueva.

“Handa din po tayong hintayin ang magiging resulta ng GAB investigation,” dagdag pa nito sa kanyang text message sa Abante News Online.

Bilang isang dating manlalaro, inalala ng senador ang hirap sa pagsasanay para lamang mapasama sa final line-up ng isang koponan.

“Alam po natin na ang hindi lahat ng mahilig maglaro ng basketball ay may pagkakataong sumabak sa mga malalaking liga, amateur man o professional. Sinasala po ang bawat player sa tryouts, at mas maraming natatanggal sa final cut ng line-up,” dating varsity ng basketball sa University of Santo Tomas.

Kaya payo nito sa mga atleta na gustong maglaro sa amateur o professional na liga, huwag sayangin ang pagkakataong makapaglaro sa organisadong lugar.

“Payo po natin sa mga atleta, regardless sa sports, na huwag pong sayangin ang pagkakataong makapaglaro sa mga organized na liga. Basic na pagrespeto po ito sa kapwa manlalaro at maging sa sports na iyong pinili,” ayon pa kay Villanueva.

Nauna nang inihayag ni Super Cup Chief Operating Officer Rocky Chua na sibak na sa kanilang liga ang Siquijor kasunod ng nangyaring kontrobersiyal na laban kontra Lapu-Lapu City, na iniimbestigahan sa posibleng pagbebenta ng laro.

Bukod sa pagkakatanggal ng koponan, ban na rin sa VisMin Cup ang sinumang player o coach na manggagaling sa Mystics.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?