18

Apr 30, 2021 @ 18:22
By

Villanueva: Mga manggagawa dapat makinabang sa recovery programs

Ang survival o kaligtasan ng ekonomiya ng bansa ay nakasalalay sa mga Pilipinong manggagawa kaya’t sila rin ang dapat makinabang sa recovery programs ng pamahalaan, ayon kay Senador Joel Villanueva.

“Dahil manggagawa po ang higit sa lahat na pinadapa at naging pinaka-apektado, marapat lamang na manggagawa rin ang higit na makinabang sa recovery programs ng gobyerno at makaranas ng alalay sa pagbangon,” pahayag ni Villanueva sa kanyang mensahe sa Labor Day.

“Ang muling pagbangon ng mga manggagawa ang tanging pag-asa at paraan upang ang ating ekonomiya ay muling umangat at sumulong,” dagdag pa nito.

Kung naglitawan aniya ang mga community pantry sa bansa, sinabi ni Villanueva na may kakayahan din umano ang gobyerno na magtayo ng pantry sa trabaho, ayuda at bakuna para sa mga manggagawa.

“Araw-araw pong humahaba ang pila sa mga community pantries dahil hindi na lang isang araw ang kailangang maitawid ng ating mga kababayan, kundi ang kanila nang pang-araw-araw. Sinasalamin po nito ang kalagayan ng ating mga manggagawang nawalan ng trabaho, mga no-work, no-pay, lalo na po ang mga nasa informal sector,” sabi ni Villanueva.

“Naniniwala po tayo na may kakayahan ang gobyernong magbigay ayon sa kanyang mandato, pananagutan at kapangyarihan. Ang kailangan po natin ngayon ay pantry ng mga trabaho, pantry ng mga ayuda, at pantry ng mga bakuna,” dagdag pa ng chairman ng Senate labor committee.

“Kailangan pa rin po ng ayuda. Bagamat marami na po ang nabigyan, marami pa rin po ang naghihintay lalo na ang mga nasa informal sector, mga small and medium enterprises, gayundin ang mga kababayan nating magsasaka, mangingisda, at isama na rin natin ang mga magbababoy,” wika pa nito.

Pinuri naman ng senador ang effort ni Labor Secretary Silvestre Bello sa plano nitong makalikha ng maraming trabaho, kung saan mahigit 27,000 job vacancies sa program ng labor department ang inaasahang kukunin sa virtual Trabaho, Negosyo, Kabuhayan Job and Business Fair sa Araw ng Manggagawa.

“Higit sa lahat at sa lalong madaling panahon, kailangang makarating sa braso ng ating mga manggagawa ang bakuna. Bakuna po ang pinakaimportanteng armas natin laban sa pandemya, upang agarang makapagsimula sa muling pagbangon at pagsulong,” sabi ni Villanueva.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?