89

Mar 24, 2021 @ 20:37
By

Villanueva: COVID-19 vaccine huwag hayaang mag-expire

Hinimok ni Senador Joel Villanueva ang gobyerno na agad gamitin ang bakuna laban sa COVID-19 upang hindi ito masayang at kung kinakailangan ay iturok agad sa susunod na priority group tulad ng mga essential worker.

“Ang vaccination po ay time-on-target dahil may expiry date ang mga ito,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee. “Imbes na masayang, gamitin na po ito kaagad.”

Ayon kay Villanueva, dapat mauna pa rin ang mga frontline health workers sa pila ng mga mababakunahan. Pero iginiit nito na dapat ring mabigyan ng prayoridad ang mga manggagawa na nagbibigay ng essential services na nanganganib ring mahawaan ng sakit habang nagtatrabaho.

“Sakaling may imbentaryo na nanganganib mag-expire, dapat handa ang susunod na priority group para mabakunahan,” sabi ng senador.

“Ang isang maayos na operasyon ay may tinatawag na contingency palagi. Tulad sa mga eroplano, may wait list na tinatawag, ‘di ba?” dagdag pa nito.

Binigyang-diin ni Villanueva ang kahalagahan ng mga tsuper ng PUV tulad ng bus, van, taxi at jeep, maging ang mga rider na naghahatid ng pagkain at iba pang pangangailangan tulad ng grocery.

“Dahil sa kanilang trabaho, napakataas ng kanilang risk na mahawa sa sakit. Sila po ay may close contact sa daan-daang pasahero at customer sa bawat araw,” ayon kay Villanueva.

“Kung walang transportation, sino po ang maghahatid sa mga nurse sa ospital, o kay cashier sa grocery store, o kay pharmacist sa drug store? Sino po ang magde-deliver ng pagkain o grocery, kung wala po tayong mga rider?

“Kaya po inuulit natin: Kung may klarong listahan, mapipigilan po ang singitan,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?