23

May 13, 2021 @ 17:43
By

Villanueva: Bakuna i-drive thru, home delivery

Hinikayat ni Senador Joel Villanueva ang gobyerno na paramihin pa ang mga vaccination site tulad ng ginagawa ng iba’t ibang local government unit upang maabot ang mas maraming mamamayan at magamit agad ang mga bakunang malapit nang mag-expire.

Ayon kay Villanueva, kung kaya ng ibang lokal na pamahalaan sa Metro Manila na magsagawa ng “drive-thru, home delivery at ipaubaya sa mga village” ang pagbabakuna, maaari rin itong gawin ng gobyerno ng mas malawakan.

“At kung idadagdag natin ang pagbabakuna sa mga opisina, pabrika at iba pang lugar ng trabaho, mapapataas natin ang ating vaccination rate. Mas maraming paraan, mas mainam para sa lahat,” sabi ni Villanueva, chair ng Senate labor committee.

Hiniling pa ni Villanueva sa IATF na payagan na rin ang mga pribadong ospital na magsagawa ng pagbabakuna, lalo na’t may kabagalan ang pagbibigay ng bakuna sa mga mamamayan. Dagdag pa niya na maging ang iba’t ibang mga lider ng simbahan ay handing buksan ang kanilang mga pinto para maging vaccination site.

Aniya, mainam na ituring na rin itong bilang “dry-run” sa pagdating ng mas maraming bakuna sa bansa sa mga susunod na buwan. Aniya, mas madaming paraan para makuha ang bakuna, mas protektado ang mga mamayan sakaling dumating na sa bansa ang iba’t ibang variants ng COVD-19.

Para sa senior citizens, PWDs at mga may malubhang sakit, maaari ang “vaccinate at home” service na tulad ng ginagawa ng ilang LGUs sa Metro Manila, sabi ni Villanueva.

May ilang LGUs na ang nagpapatupad ng drive-thru bakuna tulad sa Makati, para sa mga seniors, habang sa Quezon City, may mga village-run vaccinations na isinasagawa ng mga volunteer na doktor at nars sa loob ng homeowners association.

“Matutulungan nito ang mga healthcare frontliners natin na makapagpahinga sa pagdagsa ng magpapabakuna sa mga vaccination sites,” saad nito.

Ayon kay Villanueva, ang 36,000 hanggang 67,000 daily vaccination rate ay sadyang mas mababa sa ideyal na bilang ng dapat nababakunahan sa isang araw para makamit ang herd immunity.

Sa huling tala ng Department of Health noong Mayo 11, may 7,764,050 doses ng bakuna ang nakarating sa bansa. Sa bilang na ito, 6,408,640 ang naipamahagi, habang na 2,539,693 doses pa lang ang naituturok.

Sa mga nabakunahan na, 2,025,038 ang nakatanggap ng first dose, habang 514,655 pa lamang naturukan ng kanilang second dose.

“Yung 514,655, 1/200th lang yan ng 100 milyong Pilipino. At that rate, aabutin tayo ng 2023. Bago na administrasyon noon, ngunit marami pa rin ang walang bakuna,” ayon pa sa senador.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?