144

Jan 14, 2019 @ 18:27
By

Villafuerte ‘saling-pusa’ lang sa usaping 2019 budget – Andaya

MANILA – Tinawag na ‘saling-pusa’ ni House Majority Floor Leader Rolando “Nonoy” Andaya Jr. ang kanyang mortal na karibal sa politika na si Camarines Sur second district Rep. Luis Raymund Villafuerte dahil sa umano’y pakikisawsaw nito sa usapin ng nakabinbin na panukalang P3.757-trilyong Pambansang Budget para sa 2019.

Ginawa ni Andaya ang pahayag kasabay ng panawagan ni Villafuerte noong isang linggo na dapat na umanong mapalitan bilang pinuno ng mayorya sa Kamara ang dating kalihim ng Department of Budget and Management (DBM) dahil patuloy nitong pagiging balakid para maipasa ang nakabitin pa rin na 2019 National Expenditure Program (NEP).

“Hindi ko na pinapatulan ‘yan… saka saling-pusa, nakikihalo pa,” sabi ni Andaya.

Mariin din pinabulaanan ni Andaya ang pahayag ni Villafuerte na tanging mga kongresista lamang mula sa minorya ang dumalo sa nakalipas na pag-dinig ng House committee on rules sa Lungsod ng Naga para sa maanomalyang flood-control scam na kinasasakungtan umano ng construction firm ng mismong mga balae ni Budget Sec. Benjamin Diokno sa lalawigan ng Sorsogon.

Hindi dumalo si Villafuerte sa nasabing pagdinig sa Naga kahit pa ang mambabatas na nakatira lamang sa kadikit bayan sa Pili, Camarines Sur.

“’Yun kasi yung problema kapag absent ka,” paliwanag ni Andaya.

Giit pa ni Andaya, madalang na umano pumasok sa Kamara si Villafuerte simula pa noong Oktubre dahil mas inuuuna umano nito ang pamumulitika sa Camarines Sur.

“Simula pa noong isang break, hindi itong break na ito ah. Noon pang nakaraang break, simula noon ‘yan eh. So paano niya nalaman? ‘Yung ang problema kapag absent ka. Hindi mo alam kung ano ang pinaguusapan,” dagdag ni Andaya.

Unang iginiit ni Villafuerte na nagiging malaking tinik na si Andaya sa mga programang inilalatag ng Administrasyong Duterte dahil sa patuloy nitong pag-harang sa mga line-item projects na nakalaan sa ilalim ng 2019 National Expenditure Program (NEP).

Si Villafuerte na vice-chairman ng House appropriations committee ay kilalang malapit sa dating liderato ng Kamara sa ilalim ng napatalsik na si dating Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez.

Ilang opisiyal ng dating liderato ng Kamara at mga kakampi nitong mambabatas ang iniuugnay ni Andaya na nakipagsabwatan kay Diokno upang mabigyan ng magagdang proyekto ang kani-kanilang mga nasasakupang distrito sa ilalim ng 2018 at 2019 budget, lalo na sa maanomalyang flood-control projects sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Samantala, inaasahan na ang mainit na salpukan sa pagitan ni Andaya at ng anak ni Villafuerte na si incumbent Camarines Sur Gov. Miguel Luis Villafuerte sa pagka-gobernador ng lalawigan sa darating na halalan sa Mayo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?