100

Mar 2, 2020 @ 18:25
By

Villafuerte: Mas maganda track record ko kina Leachon, Velasco!

Kahit pagsamahin pa ang mga nagawa nina Mindoro Oriental Rep. Doy Leachon at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, mas maganda pa rin umano ang track record ni Deputy Speaker for Finance LRay Villafuerte.

Kinukwestiyon kasi ng huli kung bakit tinitira ang kanyang accomplishment record matapos niyang magsalita hinggil sa umano’y kudeta sa Kamara.

Giniit din niyang mas impresibo ang mga nagawa ni House Speaker Alan Peter Cayetano kumpara kay Velasco, na umano’y balak sulutin ang liderato ng Mababang Kapulungan sa kabila ng 15-21 term-sharing deal na napagkasunduan nila noong isang taon.

“Eh ba’t tinitira nila yung accomplishment ko? Eh kung track record ko, I invite the media: tignan n’yo yung website, I filed over 300 bills, I pass how many laws. Siguro, hindi naman sa pagmamalaki, kahit i-combine mo yung nagawa ni Congressman Leachon at Congressman Velasco, mas maganda ang track record ko,” hayag ni Villafuerte sa mga reporter ngayong Lunes, Marso 2, 2020.

“Then, napikon sila. Ang sinabi ko kasi, malinaw: they should not be doing this because in terms of qualification [based sa] track record, malinaw naman, mas malayo ang experience track record ni Speaker Alan Cayetano kay Velasco, and that’s a fact, that’s on record. Ba’t sila napipikon? Si Speaker Alan, nagging senador, naging konsehal, naging DFA secretary, maganda yung trust rating. I-compare nila,” wika pa nito.

Matatandaang binantaan ni Leachon si Villafuerte, at sinabing dapat manamihik na lang kaysa maghasik ng kasinungalingan kung hindi naman nito mapatutunayang may binabalak ngang kudeta si Velasco laban kay Cayetano.

Hinamon din ni Leachon si Villafuerte na ilabas ang listahan ng 20 kongresista na hinimok umano ni Velasco na sumali sa kudeta kapalit ng pera at magagandang pwesto sa liderato sakaling totoo nga ang akusasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?