14

By

Vigilante muling umarangkada laban sa holdaper, pusher

Sharing is caring!

Muli na namang nabuhay ang vigilante group na hinihinalang may kagagawan sa pagpatay sa natagpuang bangkay ng umano’y holdaper at pusher sa isang bakanteng lote sa Quezon City, nitong Huwebes ng gabi.

Inilarawan ni P/Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD0, ang natagpuang hindi pa nakikilalang bangkay ng lalaki na nasa edad 35-40, may taas na 5’5”, katamtaman ang pangangatawan, may fair complexion, nakasuot ng kulay itim at asul na T-shirt at short pants na kulay itim.

Ang bangkay ng holdaper at pusher ay nakabalot ng packaging tape ang buong mukha at may nakasabit na placard sa leeg na may nakasulat na ‘Huwag n’yo ako tularan, holdaper at pusher ako.”

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-11:00 ng gabi nang matagpuan ang bangkay sa Mangga St., cor. Rosario Drive, Brgy. Kaunlaran, QC.

Nagpapatrolya umano ang tanod na si Ronald Allan Baroy sa kanilang barangay nang maispatan ang bangkay ng lalaki kaya agad niya itong ini-report sa pulisya.

Batay sa autopsy report ng SOCO ng QCPD, wala silang nakitang external injury sa bangkay ng suspek, maliban sa malalalim na marka ng pagkakasakal sa leeg na posibleng ikinamatay nito.

Masusing iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente subalit malaki ang hinala nila na vigilante ang may kagagawan sa pamamaslang dahil sa estilo nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?