168

Nov 28, 2017 @ 16:19
By

Video ng ‘Tokhang’ na lumabas sa int’l news, paninira lang – Bato

Paninira lang para kay Philippine National Police (PNP) Chief Ronald dela Rosa ang paglabas sa international news ng video ng operasyon kontra droga ng mga pulis Maynila sa Barangay 19, Tondo, Manila na nangyari noong Oktubre 16, 2017.

Paliwanag ni Dela Rosa, ang paninirang ito ay itinaon kung saan nagpapatuloy ang oral argument kaugnay sa Oplan Double Barrel ng PNP at kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrido Duterte na nais niya nang ibalik sa PNP ang pangunguna sa war on drugs ng PNP.

“Tina-timing nila, saka nila ilalabas ‘yung mga ganung daming reports about the PNP kung kelan ibabalik. Ibig sabihin ‘yung mga kalaban natin ayaw talaga tayo pabalikin sa war on drugs. Anong kinatakutan nila? Di naman sila mga adik siguro,” sabi ni Dela Rosa.

Lumalabas sa international news na tila pinatay nang walang kalaban-laban ang apat na drug suspects nang magsagawa ng operasyon kontra iligal na droga ang mga operatiba ng Manila Police District.

Ang paniniwala ni Dela Rosa, na ang mga nasa likod ng mga paninirang ito ay ang kanilang mga nasagasaan sa kanilang mga isinagawang war on drugs.

Ginagamit daw ng mga taong ito ang kanilang kapangyarihan upang hindi maibalik sa PNP ang war on drugs nang sa ganun ay manatiling mamayagpag ang transaksyon ng iligal na droga sa bansa.

Dagdag pa ni Dela Rosa, inaasahan na raw nila ang mga paninirang ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?