13
joel-villanueva
By

Video ng pagsagip ng OFWs sa Kuwait, ‘di naipaliwanag ng DFA sa Senado

Sharing is caring!

Hindi naipaliwanag ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Senado ang nag-viral na video ng pagsagip sa mga Filipinong domestic service worker o kasambahay sa Kuwait.

Ayon kay Senador Joel Villanueva, chairman ng Senate committee on labor, sa ginanap nilang executive session, humingi pa ang DFA ng panahon para matapos ang kanilang imbestigasyon.

Nangako naman umano ang DFA na ibabahagi sa Senado ang kanilang report at ipagtatapat dito ang responsible sa video.

Matatandaang ikinagalit ng Kuwait ng pagkalat ng video kung saan ipinakita ang pagsundo o pagsagip sa mga Filipina na minamaltrato umano ng mga amo sa Kuwait.

Wala iyong koordinasyon sa pulisya ng Kuwait kaya naman kinasuhan ng kidnapping ang mga tauhan ng Philippine Embassy, ikinulong ang apat na driver umano ng embassy officials na sumundo sa mga Filipina at pinalayas doon si Ambassador Renato Villa.

Ayon sa source, sa nasabing executive session na hiniling ng DFA, nagkakaisa umano ang mga opisyal ng DFA, Department of Labor and Employment, Overseas Workers Welfare Administration at iba’t ibang grupo sa pahayag na mali ang pag-video sa pagsagip sa mga Filipina lalo na ang pagbibida nito sa social media.

Samantala, pinagsabihan ni Villanueva ang DFA, Dole at POEA na magkaroon ng maayos na database o monitoring system para sa mga household service worker dahil laging delikado ang mga ito sa pag-abuso at pangmamaltrato.

Pinagsabihan din na siguraduhin na matutupad ang memorandum of understanding ng Kuwait at Pilpinas kung saan inihanay ang mga panuntunan para masigurong protektado ng mga Filipinong manggagawa sa Kuwait.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?