401
Video karera ginagawang front ng mga sindikato ng droga – Isko Moreno
Jul 3, 2019 @ 15:24
By

Video karera ginagawang front ng mga sindikato ng droga – Isko Moreno

Pinangunahan nina Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Manila Police District (MPD) Director Vicente Danao Jr. ang pagwasak sa may 75 video karera (VK) machine na nakumpiska sa iba’t ibang lugar sa Tondo noong Martes.

Gamit ang malalaking maso at martilyo, sinira nina Domagoso at Danao ang mga nakalatag na mother board sa city hall quadrangle habang ang mga TV monitor na gumagana pa ay nakatakda namang i-donate sa mga pampublikong paaralan sa lungsod para magamit ng mga mag-aaral.

Sinabi naman ni Danao na iipunin ang mga tingga mula sa sinirang mother board para ibenta at i-donate rin ang perang makukuha rito.

Ipinaliwanag ni Domagoso na mga makina lang ang kinuha at hindi hinuli ang mga caretaker dahil hindi naman sila ang mga may-ari at empleyado lang ang mga ito.

Hindi rin niya pinakasuhan ang mga nagsusugal para magsilbi muna umano itong babala sa mga operator at naglalaro sa tinaguriang “devil machine”.

Alam din aniya niya na ginagawang front ng mga sindikato sa iligal na droga ang mga puwesto sa VK kung kaya’t karamihan sa mga naglalaro rito ay gumagamit ng droga.

“Inaalisan namin sila ng oportunidad sa iligal nilang gawain, ‘yung magbenta ng shabu sa mga naglalaro, pag wala nang VK, wala nang maglalaro, mababawasan ang mga kliyente nila hanggang sila na mismo ang maglulubay,” ani Domagoso.

Laos na rin umano ang modus ng mga nagpapatakbo ng VK na aalisin lang ang CPU kapag nasasalakay ng mga pulis.

“Bibili lang uli ng bagong makina at gagamitin uli ang CPU, magpapagawa ng bahay na malaki na ang P700 hanggang P1,000 at balik operasyon sila ulit,” dagdag ng alkalde.

Tiniyak din ni Moreno na aalamin niya ang mga ulat na may mga pulis na protektor o nagmamay-ari ng mga video karera sa Maynila.

“Alam na nila ang mangyayari sa kanila pag nalaman kong nakasawsaw sila sa operasyon ng VK. Kahit ang mga chairman na pumapayag na maglatag ng makina sa kanilang barangay, lubayan ninyo ‘yan, mananagot kayo sa akin at sa batas, tandaan niyo ‘yan,” ani Domagoso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?