53

By

Victolero pinuri si Lee kahit nangitlog

Bokya si Paul Lee sa Game 5 ng PBA Philippine Cup semifinals, pero nalusutan ng Magnolia Pambansang Manok ang Rain or Shine 82-74 para agawin ang 3-2 lead sa series.

Puwede nang isara ng Hotshots ang best-of-seven semifinals pagkatapos ng Game 6 mamaya sa Ynares Center sa Antipolo.

Nakadalawang laro na ngayong season-opening tournament si Lee na hindi nakapuntos, ayon kay chief statistician Fidel Mangonon III.

Una sa first game nila ngayong conference noong Feb. 3, nang matalo ang Magnolia sa TNT 80-75. Doon ay 0 of 4 si Lee sa loob ng higit 13 minutes.

Sa 28 minutes na paglalaro Miyerkoles ng gabi sa Cuneta Astrodome, naka-walong pukol si Lee, lima sa labas ng 3-point line, pero walang pumasok.

Pero hindi nabahala si Hotshots coach Chito Victolero, dahil may ibang aspeto pa ng laro si Lee na kailangan ng team bukod sa puntos.

“We knew na it’s not the points, but his leadership,” giit ng coach sa kanyang veteran guard na may 16 at 15 points sa unang dalawang panalo ng Magnolia.

“It’s how he draws the defense, how he leads his team,” dagdag ni Victolero. “It’s not whether he scores 30, 20 or two points or no points.”

Kita rin ni Lee sa laro kung paano niya matutulungan ang team kahit hindi umiiskor.

“Binabasa ko lang naman ‘yung opportunity,” wakas ni Lee, may 4 rebounds at nag-iisang assist. “Kapalit ‘nun, nalilibre naman teammates ko.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?