167

Oct 6, 2021 @ 17:54
By

Vico sa mga botante: Malaki gastos sa kampanya, malaki rin babawiin

Nagpaalala sa mga botante si Pasig City Mayor Vico Sotto na sinumang kandidato na gagastos ng malaki sa kampanya ay malaki rin ang babawiin nito kapag nanalo.

Inihayag ito ni Sotto kasabay ng ilang pakiusap sa kanyang mga tagasuporta tulad ng maging mapanuri lalo na sa pekeng balita at sumunod sa mga alituntunin ng Comelec lalo na sa health protocols.

Kamakailan ay naghain siya ng certificate of candidacy para humirit ng ikalawang termino kung saan sinamahan siya ng mga magulang na sina Coney Reyes at Vic Sotto.

Ani Sotto, hindi pa rin daw siya gagastos ng malaki sa kampanya at ayos lang na tawaging kuripot basta hindi magnanakaw.

“Tandaan — ang gagastos ng malaki sa kampanya, ay malaki rin ang babawiin. (Ok lang tawagin akong kuripot, at least hindi magnanakaw. Ang importante, nagagamit sa tama at ng buo ang pera ng taumbayan.),” tweet niya, Oct. 6.

Kaugnay nito, inanunsyo na ni Vice Mayor Iyo Bernardo ang pagbangga sa kanilang mayor na si Sotto sa 2022 elections.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?